r/panitikan • u/MidnightDishwasher • Jul 12 '26
Maikling Kuwento Tuwing Umuulan At Kapiling Ka NSFW
Pinagmamasdan ko ang ulan na unti-unting pumapatak sa mga halaman at mga bulaklak, ang dilim na unti-unting bumabalot sa buong paligid dahil sa ulan. Nasa kalagitnaan ako ng byahe sakay ng aking bisikleta nang mapansin ko ang pagkulimlim ng langit. Nagtaka ako dahil ala una pa lamang ng tanghali. Kung 'di ko pa narinig ang magkakasunod na kulog ay 'di ko pa mapapansin ang nagbabadyang ulan. Dito ko napagtanto ang aking katangahan, bakit nga ba hindi ko agad naisip iyon? Kung sabagay, hindi ko rin napansing hindi niya ako mahal— dahil ako ay hanggang kaibigan lang.
Binilisan ko ang pagpedal upang humanap ng masisilungan. Ilang sandali pa ay nakarating ako sa isang kanto kung saan may waiting shed na nakatayo. Sa tinagal-tagal ko nang naglalagalag ay wala pa naman akong nakitang waiting shed na nakatuwad o naka-upo.
Ramdam ko na ang malalaking patak sa aking katawan bago pa ako makasilong dito. Ang sabi ni Mang Tani ay maliit daw ang tsansa ng ulan, kasing liit ng tsansa na maging kami. Pero heto ako, pagkatapos mabasa ng luha ang mga mata ay tubig-ulan naman ang umaagos sa aking mukha. Umasa na naman ako at naniwala. Mapalad pa ako dahil hindi pa ako napapabilang sa mga namatay dahil sa maling akala.
Kinapa ko ang aking bimpo sa bulsa ngunit wala. Kawawang bimpo, nahulog nang walang sumasalo—parang ako. Wala akong nagawa kundi ibaling ang aking mukha sa balikat at ipahid ang pisngi sa manggas. Sanay naman na akong pinahihirapan ang aking sarili dahil sa pagkakamali ko, wala ng bago dito.
Ilang sandali pa'y tuluyan nang bumuhos ang malakas na ulan, para bang kay tagal pinigil bumagsak nito upang makahanap muna ako ng masisilungan. Katulad ng nararamdaman kong kay tagal nilihim ngunit nang inamin ay nasayang. Nais ko rin sanang isilong ang aking bisikleta ngunit may kaliitan ang lugar na aking kinatatayuan, kaya't hinayaan ko na lamang siyang maulanan. May mga bagay talaga na kailangan natin isakripisyo kahit hindi natin kagustuhan. Gano'n siguro talaga, may mga puwang na para lamang sa isa, at kapag pinilit pagkasyahin ang dalawa ay mahihirapan ka. Kawawa naman ang kaisa-isang karamay ko sa kabiguan. Matapos akong damayan ay siya pa ang nagtitiis sa ulan.
Naputol ang madramang paghugot ko ng isang jeep ang huminto sa aking harapan. Mistulang iniluwa nito ang isang diwata matapos bumaba ang isang magandang babae na nakasuot ng uniporme pang-eskwela at tingin ko ay pauwi pa lang. Maputi siya, balingkinitan ang katawan, mahaba ang medyo kulot na buhok at singkit ang mga mata na bagay sa kaniyang maamong mukha.
Akala ko ay bumagal ang paggalaw ng paligid dahil sa kaniyang marahang paglakad patungo sa aking kinaroroonan, ngunit sadyang mabagal lang pala talaga siyang maglakad. Ayos lang, hindi naman ako ang magkakasakit at mauulanan. Mabuti na iyon para naman hindi na lang laging ako ang nasasaktan.
Sumilong siya sa masikip na waiting shed at dumukot ng panyo sa bulsa. Marahan niyang pinunasan ang kaniyang noo, papunta sa mukha, pababa sa leeg, hanggang sa... hanggang sa mapansing kong mukha na akong manyak na pinapanood siya. Ibinaling ko ang tingin sa aking bisikleta, basang-basa na siya at para bang gusto kong ako na ang magpunas sa makinis niyang batalya pati sa malambot at mabibilog niyang mga... gulong.
Kung anu-ano na ang mga naiisip ko ng mga oras na iyon. Ikaw ba naman ang ma-stranded sa kalagitnaan ng malakas na ulan; malamig ang paligid, nasa masikip na waiting shed at may kasamang magandang babae, ano pa ba ang maiisip mo? Hindi ba't ang tumila ang ulan para makauwi na sa inyo? Oo, alam ko. Ang plastik ng sagot ko.
"Ang cute naman ng bike mo," bati ng magandang babae na kasama ko sa waiting shed.
"Kasing cute mo," ganti ko naman sa kaniyang papuri.
"Asus! Sana kasing cute ka rin namin, 'no?" balik niya na hindi ko ikinatuwa. Lagi na lang akong nababastos sa aking mga akda.
"Paborito mo ang violet, ano? Halata kasi sa kulay ng bisikleta mo pati sa suot mong sapatos at damit," dugtong niya nang magpatay-malisya ako sa pambabastos niya.
"Oo, napansin mo pala," tugon ko sa kaniya. Buti na lang at hindi nakalitaw ang brief ko, baka banggitin niya rin.
"Hindi ba awkward sa lalaki ang ganiyang kulay? Buti hindi ka napagkakamalang bakla?" tanong niya.
Hindi ako kumibo. Iniisip ko kung makikipag-usap pa ba ako sa kaniya o bibigwasan ko na lang bigla. Kung anong ikinaganda ng kaniyang mukha ay siya namang ikinasama nang tabas ng kaniyang dila. Isang maling puna pa niya ay bibirahin ko na siya sa panga. Pumapatol ako sa maganda, maganda lang naman ang ayaw pumatol sa akin.
Handa na akong magsalita sa pinakamaangas na paraan nang biglang kumidlat sa 'di kalayuan.
"Aaaaaaaayyy!"
Isang malakas na tili ang umalingawngaw. Napayakap sa akin ang magandang dilag na nagulat dahil sa kidlat pero joke lang— dahil ako talaga ang tumili at hindi siya. Kasunod nang pagsigaw ay ang pag-upo ko sa isang sulok at pagtatakip ng magkabilang tainga. Magugulatin kasi ako dala na rin siguro nang pagkahilig sa kape— pero lalaki ako, 'tol.
"Hahahaha! Bading ka nga?" tanong niya habang humahagalpak sa pagtawa at pumapalakpak na parang retarded na penguin.
"Hindi, 'no!" sagot ko na nilakihan ang boses.
"Weh? Bading ka, e!" pagpupumilit niya habang patuloy pa rin sa pagtawa.
"Hindi nga! Baka gusto mong patunayan ko pa sa'yo!" paghamon ko sa kaniya.
Biglang namayani ang ingay na likha nang patak ng ulan sa paligid. Napaisip din ako sa aking sinabi at maaring bastos ang naging dating.
"Alam mo, noon ko pa gusto matuto magbisikleta," pagbasag niya sa katahimikang namagitan sa amin.
"Talaga? Bakit hindi ka nag-aral?" tanong ko naman na ikinatuwa ang muli niyang pagsasalita.
"Wala kasi kaming bisikleta, e. Tsaka ayaw din ng Dad ko," paliwanag niya na may lungkot.
"Sayang naman, napakasarap magbisikleta. Tuwing marami akong iniisip ay umaalis kami ng aking bisikleta, at pag-uwi ko ay hindi na ako nag-aalala," paglalahad ko.
"Buti ka pa, ako kasi puro aral lang ang ginagawa, e. Maswerte na kung makapamasyal minsan," sagot niya naman.
Marami kaming napag-usapan. Tungkol sa aming buhay at iba't ibang mga karanasan, gusto at libangan. Napakagaan niyang kausap at napakasarap niya panuorin tumawa. Hindi siya mahirap pasayahin, gamit ang mga korning joke at panlalait sa aking sarili ay nagawa naming malibang. Pansamantala naming nalimot na kami ay nasa ilalim ng kapirasong bubong habang nasa kasagsagan ng malakas na ulan.
Habang tumatagal ay naglalapit ang aming mga katawan. Hanggang sa magkunwari kaming pareho na hindi namin namalayang magkatabi na pala kami. Ligayang tinatamasa sa piling ng hindi kakilala at ulan lamang ang saksi.
"Hindi ka nga bakla," nakangiting sabi niya habang nakatingin sa aking mga mata.
"Paano mo naman nasabi?" nagtatakang tanong ko kasabay nang pagsagot sa kaniyang titig.
"Basta," maikling sagot niya sabay ngiti.
Katulad ng lahat ng unos, ang ulan ay dahan-dahang humina hanggang maging ambon at tuluyang tumila. Alas singko pasado na ng hapon ng siya ay magyayang umuwi.
"Puwede na tayong umuwi, wala na ang ulan," sambit niya na hudyat ng kaniyang pamamaalam.
"Oo nga, e. Sayang," biro ko naman na may laman.
"Hahaha! Sira ka talaga, salamat nga pala sa masayang kuwentuhan." Mga huling salita niya bago siya humakbang.
"Hanggang sa muling pag-ulan," pagpapaalam ko kasama ng isang ngiting ikinukubli ang kalungkutan.
"Ingat ka, ha? Madulas ang daan," paalala niya bago tuluyang lumisan.
Tinahak niya ang eskenita sa tabi ng aming sinilungan at naglakad papasok sa looban. Hinatid ko siya nang tingin hanggang sa hindi ko na siya matanaw. Marahan naman akong naupo sa aking bisikleta nang maalala ang nakaligtaan.
"Kapag hindi mo nga naman naiwan ang katangahan sa bahay, sa sobrang pagkalibang ay hindi ko naitanong ang kaniyang pangalan," bulong ko sa sarili na walang ibang nagawa kundi ang manghinayang.